Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 34:1-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Minsan, si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob kay Lea, ay dumalaw sa ilang kababaihan sa lupaing iyon.

2. Nakita siya ni Shekem, anak na binata ni Hamor na isang Hivita at pinuno sa lupaing iyon. Sapilitan siyang isinama nito at ginahasa.

3. Ngunit napamahal na nang husto kay Shekem si Dina at sinikap niyang suyuin ito.

4. Sinabi ni Shekem sa kanyang ama na lakaring mapangasawa niya ang dalaga.

5. Nalaman ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem ang kanyang anak, ngunit hindi muna siya kumibo sapagkat nagpapastol noon ng baka ang kanyang mga anak na lalaki.

6. Nagpunta naman si Hamor kay Jacob upang makipag-usap.

7. Siya namang pagdating ng mga anak na lalaki ni Jacob mula sa kaparangan. Nabigla sila nang mabalitaan ang nangyari sa kapatid, at gayon na lamang ang kanilang galit dahil sa ginawa ni Shekem. Ito'y itinuring nilang isang paglapastangan sa buong angkan ni Jacob.

8. Sinabi ni Hamor, “Yaman din lamang na iniibig ni Shekem si Dina, bakit hindi pa natin sila ipakasal?

9. Magkaisa na tayo! Hayaan nating mapangasawa ng aming mga binata ang inyong mga dalaga, at ng aming mga dalaga ang inyong mga binata.

10. Sa gayo'y maaari na kayong manatili dito sa aming lupain. Maaari kayong tumira kung saan ninyo gusto; maaari kayong maghanapbuhay at magkaroon ng ari-arian.”

11. Nakiusap ding mabuti si Shekem sa ama at mga kapatid ni Dina. Sinabi niya, “Pagbigyan na po ninyo ang aking hangarin, at humiling naman kayo ng kahit anong gusto ninyo.

12. Sabihin po ninyo kung ano ang dote na dapat kong ibigay at kung magkano pa ang kailangan kong ipagkaloob sa inyo, makasal lamang kami.”

13. Dahil sa paglapastangan kay Dina, mapanlinlang ang pagsagot ng mga anak na lalaki ni Jacob sa mag-amang Hamor at Shekem.

14. Sinabi nila, “Malaking kahihiyan namin kung hindi tuli ang mapapangasawa ng aming kapatid.