Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 32:1-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos.

2. Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim ang lugar na iyon.

3. Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom.

4. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi.

5. Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.”

6. Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.”

7. Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop

8. upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas.

9. At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan.

10. Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama.