Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 31:41-55 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

41. Iyan ang naranasan ko sa loob ng dalawampung taóng kasama ninyo. Labing-apat na taon akong naglingkod sa inyo dahil sa dalawa ninyong anak na babae, at anim na taon pa para sa inyong mga kawan. Sa kabila noon, sampung beses ninyong binago ang ating partihan.

42. Mabuti na lamang at kasama ko ang Diyos ng aking mga magulang, ang Diyos ni Abraham na sinamba ni Isaac. Kung hindi, marahil ay pinalayas ninyo ako nang walang kadala-dala. Alam ng Diyos ang aking hirap at pagod, kaya, kagabi'y pinagsabihan niya kayo.”

43. Sinabi ni Laban kay Jacob, “Ang lahat ng dala mo'y akin: aking mga anak, aking mga apo at aking mga kawan. Ngunit ano pa ang magagawa ko?

44. Ang mabuti'y gumawa tayo ng kasunduan. Magbunton tayo ng bato na siyang magpapaalaala ng ating kasunduan.”

45. Naglagay si Jacob ng isang bato bilang isang alaala.

46. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na maglagay rin doon ng bato. Pagkatapos, kumain sila sa tabi ng bunton ng mga bato.

47. Ito'y tinawag ni Laban na Jegar-sahaduta, at Gal-ed naman ang itinawag doon ni Jacob,

48. sapagkat sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ng mga bato ang tagapagpaalala ng kasunduan nating dalawa.”

49. Tinawag ding Mizpa ang lugar na iyon sapagkat sinabi ni Laban, “Bantayan nawa tayo ni Yahweh samantalang tayo'y magkalayo.

50. Kapag inapi mo ang aking mga anak, o nag-asawa ka ng iba, alalahanin mo na wala man ako roon, ang Diyos ang saksi sa ating kasunduan.”

51. Pagkatapos, sinabi pa ni Laban, “Narito sa pagitan natin ang mga batong ibinunton ko, at narito rin ang batong inilagay mo.

52. Ang mga ito ang ating palatandaan. Ito rin ang magiging hanggahan natin upang maiwasan ang paglusob sa isa't isa.

53. Ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor ang hahatol sa atin.” At sa pangalan ng Diyos na sinamba ng ama niyang si Isaac ay sumumpa si Jacob na tutupad siya sa kasunduang ito.

54. Pagkatapos, nagpatay siya ng isang hayop at ito'y inihandog doon sa bundok. Nagsalu-salo sila at doon na rin nagpalipas ng gabi.

55. Kinaumagahan, umuwi na si Laban matapos hagkan ang kanyang mga anak at mga apo.