Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 31:27-41 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

27. Bakit mo inilihim sa akin ang iyong pag-alis? Sana'y inihatid ko kayo na may tugtugan at awitan sa saliw ng tamburin at alpa.

28. Hindi mo man lamang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga anak at mga apo bago sila umalis. Napakalaking kahangalan ang ginawa mong ito!

29. Kung sabagay, kaya kitang saktan, ngunit hindi ko iyon gagawin sapagkat kagabi'y sinabi sa akin ng Diyos ng iyong ama na huwag kitang pagbantaan sa anumang paraan.

30. Alam kong ginawa mo ito dahil sabik na sabik ka nang umuwi sa inyo. Subalit bakit mo naman ninakaw ang aking mga diyos?”

31. Sumagot si Jacob, “Natakot po ako na baka hindi ninyo pasamahin sa akin ang inyong mga anak.

32. Ngayon, kung makita ninyo ang inyong mga diyos sa sinuman sa amin, dapat siyang mamatay. Saksi ang naritong mga kamag-anak natin; tingnan ninyo kung mayroon kayong anumang ari-arian dito at kunin ninyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel ang kumuha ng mga diyus-diyosan ni Laban.

33. Hinalughog ni Laban ang tolda ni Jacob, ang kay Lea, at gayon din ang sa dalawang aliping babae, ngunit hindi niya nakita ang kanyang mga diyos. Pumasok din siya sa tolda ni Raquel,

34. ngunit naitago na nito ang mga diyus-diyosan sa upuang nasa likod ng kamelyo at iyon ay kanyang inuupuan. Hinalughog na mabuti ni Laban ang buong tolda, ngunit wala siyang nakita.

35. Sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag po kayong magagalit sa akin kung sa harapan ninyo'y hindi ako makatayo, sapagkat ako po'y mayroon ngayon.” Patuloy na naghanap si Laban, ngunit hindi rin niya nakita ang kanyang mga diyus-diyosan.

36. Nagalit nang husto si Jacob at tinanong niya si Laban, “Ano bang pagkakasala ang ginawa ko sa inyo? May batas ba akong nilabag at gayon na lamang ang paghahalughog ninyo?

37. Kung may nakuha kayong ari-arian sa sinuman sa amin, ilabas ninyo at hayaan ninyong hatulan tayo ng ating mga kasamahan!

38. Dalawampung taon tayong nagkasama. Patuloy ang pagdami ng inyong mga tupa't kambing, at ni isang tupang barako sa kawan ninyo'y di ko pinangahasang kainin.

39. Kung may tupang sinila ng mababangis na hayop, hindi ko na ipinapakita sa inyo. Pinapalitan ko agad. Pinipilit ninyo akong magbayad ng anumang nawawala, maging iyo'y ninakaw sa gabi o sa araw.

40. Mahabang panahon akong nagtiis ng matinding init ng araw, at lamig ng gabi. Kulang na kulang ako sa tulog.

41. Iyan ang naranasan ko sa loob ng dalawampung taóng kasama ninyo. Labing-apat na taon akong naglingkod sa inyo dahil sa dalawa ninyong anak na babae, at anim na taon pa para sa inyong mga kawan. Sa kabila noon, sampung beses ninyong binago ang ating partihan.