Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 29:9-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama.

10. Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa.

11. Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa.

12. Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!”Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama.

13. Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat,

14. sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.

15. Pagkalipas ng isang buwan, sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi dahil magkamag-anak tayo ay pagtatrabahuhin kita nang walang bayad; magkano bang dapat kong isweldo sa iyo?”