Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 28:15-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”

16. Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala si Yahweh!

17. Nakakapangilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan.”

18. Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binuhusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos.

19. Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon na dati'y tinatawag na Luz.

20. Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan,

21. at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos.

22. Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.”