Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 27:21-38 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

21. Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.”

22. Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac.

23. Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob,

24. ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”“Ako nga po,” tugon ni Jacob.

25. Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak.

26. “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama.

27. Nang lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;

28. Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranasng saganang pag-aani at katas ng ubas.

29. Hayaan ang mga bansa'y gumalang at paalipin;bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.Igagalang ka ng mga kapatid mo,mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

30. Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa.

31. Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.”

32. “Sino ka ba?” tanong ni Isaac.“Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya.

33. Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.”

34. Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!”

35. Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.”

36. Nagsalita si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?”

37. “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.”

38. Ngunit patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis.