Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 26:9-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Ipinatawag agad ni Abimelec si Isaac at ang sabi'y, “Tiyak na asawa mo ang babaing iyon, hindi ba? Bakit ang sabi mo'y kapatid mo?”“Natatakot po ako na baka ako'y patayin kung sabihin kong asawa ko siya,” tugon ni Isaac.

10. “Bakit mo ito ginawa sa amin?” wika ni Abimelec. “Kung siya'y ginalaw ng isa sa mga tauhan ko, isinubo mo pa kami sa kapahamakan!”

11. At sinabi ni Abimelec sa kanyang nasasakupan, “Papatayin ang sinumang umapi sa mag-asawang ito.”

12. Nang taóng iyon, si Isaac ay nagsaka sa lupain ng Gerar at makasandaang ibayo ang kanyang inani kaysa kanyang itinanim. Pinagpala siya ni Yahweh.

13. Patuloy na lumago ang kanyang kabuhayan, at siya'y naging napakayaman.

14. Nainggit sa kanya ang mga Filisteo sapagkat marami siyang alipin at mga kawan ng tupa at baka.

15. Kaya't tinabunan nila ang mga balong ginawa ng mga alipin ni Abraham noong ito'y nabubuhay pa.

16. Sinabi ni Abimelec, “Umalis ka na, Isaac; mas makapangyarihan ka pa ngayon kaysa amin.”

17. Kaya, umalis si Isaac at nanirahan muna sa libis ng Gerar.

18. Ipinahukay niyang muli ang mga balon ni Abraham na tinabunan ng mga Filisteo. At ang mga balong iyon ay tinawag ni Isaac sa dating tawag dito ng kanyang ama.

19. Ang mga tauhan ni Isaac ay nakahukay ng isang malakas na bukal sa libis,

20. ngunit nakipag-away ang mga pastol na taga-Gerar at inangkin ang bukal ng tubig na iyon. Kaya't ang balong iyon ay tinawag ni Isaac na “Balon ng Away” sapagkat sila'y inaway ng mga tagaroon.

21. Nang makahukay muli sila, nakipagtalo na naman sa kanila ang mga taga-Gerar, kaya't tinawag naman itong “Balon ng Pagtatalo.”

22. Lumayo sila roon at humukay ng ibang balon. Wala nang umangkin nito, kaya't tinawag niyang “Balon ng Kalayaan.” Ang sabi niya, “Uunlad tayo sa lupaing ito, sapagkat binigyan tayo ni Yahweh ng kalayaang mamuhay sa lupaing ito.”