Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 24:56-67 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

56. Ngunit sinabi ng alipin, “Sapagkat pinagtagumpay ako ni Yahweh sa aking lakad, pahintulutan na po ninyo akong magbalik sa aking panginoon.”

57. “Kung gayon,” sabi nila, “tawagin natin si Rebeca at tanungin kung ano ang kanyang pasya.”

58. “Sasama ka na ba sa taong ito?” tanong nila.“Opo,” tugon niya.

59. Kaya si Rebeca at ang kanyang yaya ay pinahintulutan nilang sumama sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito,

60. matapos basbasan nang ganito:“Ikaw nawa, O Rebeca ay maging ina ng marami,at sa lunsod ng kaaway, ang iyong lahi ang magwagi.”

61. Nang handa na ang lahat, si Rebeca at ang mga utusan niyang babae ay sumakay sa kamelyo, at umalis kasunod ng alipin ni Abraham.

62. Nang panahong iyon, si Isaac ay naninirahan sa lupain ng Negeb. Minsan, napadako siya sa ilang ng Beer-lahai-roi.

63. Nang magtatakip-silim, siya'y namasyal sa kaparangan at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo.

64. Natanaw ni Rebeca si Isaac kaya't bumabâ siya sa sinasakyang kamelyo,

65. lumapit sa aliping sumundo sa kanya at nagtanong, “Sino ang lalaking iyan na papalapit sa atin?”“Siya po ang aking panginoon,” sagot nito. Kumuha ng belo si Rebeca at tinakpan ang kanyang mukha.

66. Isinalaysay ng alipin kay Isaac ang mga ginawa niya.

67. Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa tolda ni Sara na kanyang ina at ito'y naging asawa niya. Minahal ni Isaac si Rebeca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina.