Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 24:41-55 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

41. Ang sabi pa niya sa akin, ‘Kung sundin mo ito, natupad mo na ang iyong tungkulin. Kung tanggihan ka naman ng aking mga kamag-anak, wala ka nang pananagutan sa akin.’

42. “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin!

43. Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom.

44. Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’

45. Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin.

46. At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo.

47. Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso.

48. Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak.

49. Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.”

50. Sumagot ang mag-amang Bethuel at Laban, “Dahil ang bagay na ito'y mula kay Yahweh, wala na kaming masasabing anuman.

51. Isama mo si Rebeca pag-uwi mo upang mapangasawa ng anak ng iyong panginoon, ayon sa sinabi ni Yahweh.”

52. Pagkarinig nito, ang alipin ni Abraham ay muling nagpatirapa at nagpuri kay Yahweh.

53. At inilabas niya ang mga damit at mga hiyas na ginto't pilak para kay Rebeca. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid nitong si Laban at ang kanilang ina.

54. Pagkatapos, ang alipin at ang mga kasama nito ay kumain na at uminom, at doon na nga nagpalipas ng gabi. Kinabukasa'y nagpaalam na siya.

55. Ngunit hiniling ng ina at ng kapatid ni Rebeca na magpalipas muna ng isang linggo o sampung araw bago umalis.