Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 24:37-48 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

37. Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito.

38. Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak.

39. Tinanong ko po siya ng ganito: ‘Kung ang babaing mapili ko ay hindi sumama sa akin, ano po naman ang aking gagawin?’

40. Ang sagot po niya'y sasamahan ako ng anghel ni Yahweh upang magtagumpay sa aking lakad. Dito raw sa angkan ng kanyang ama ako kumuha ng mapapangasawa ng kanyang anak. Iyan po ang utos sa akin.

41. Ang sabi pa niya sa akin, ‘Kung sundin mo ito, natupad mo na ang iyong tungkulin. Kung tanggihan ka naman ng aking mga kamag-anak, wala ka nang pananagutan sa akin.’

42. “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin!

43. Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom.

44. Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’

45. Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin.

46. At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo.

47. Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso.

48. Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak.