Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 24:17-32 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Sumalubong agad ang alipin at sinabi, “Maaari bang makiinom?”

18. “Aba, opo,” sagot ng babae. At inalalayan niya ang banga habang umiinom ang alipin.

19. Nang ito'y makainom na ay sinabi pa ng dalaga, “Paiinumin ko na rin po ang inyong mga kamelyo hanggang gusto nila.”

20. Isinalin niya sa painuman ang laman ng banga at pabalik-balik siyang sumalok hanggang sa mapainom ang lahat ng kamelyo.

21. Tahimik na pinagmasdan ng alipin ang dalaga at iniisip kung iyon na kaya ang sagot ni Yahweh sa kanyang panalangin.

22. Matapos makainom ang mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang mamahaling singsing at dalawang pulseras na pawang lantay na ginto, at ibinigay sa dalaga.

23. Pagkatapos, ito'y tinanong niya, “Sino ba ang iyong mga magulang? Maaari ba kaming makituloy sa inyo ngayong gabi?”

24. Sumagot ang babae, “Ako po'y anak ni Bethuel na anak nina Nahor at Milca.

25. Maluwag po sa amin at maraming pagkain para sa inyong mga hayop.”

26. Pagkarinig niyon, lumuhod ang alipin at sumamba kay Yahweh,

27. “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham! Hindi siya sumira sa kanyang pangako. Pinatnubayan niya ako sa pagpunta sa bahay ng mga kamag-anak ng aking panginoon.”

28. Nagmamadaling umuwi ang dalaga at isinalaysay ang buong pangyayari sa tahanan ng kanyang ina.

29. Si Rebeca ay may kapatid na lalaki na ang pangalan ay Laban. Patakbo siyang pumunta sa balong kinaroroonan ng lalaki

30. nang marinig niya ang salaysay ng kanyang kapatid, at makita ang singsing at ang mga pulseras na suot nito. Nakita nga niya ang tao sa tabi ng balon, pati ang kanyang mga kamelyo.

31. Sinabi ni Laban, “Bakit nandiyan po kayo sa labas? Tayo na po sa amin, lalaking pinagpala ni Yahweh! Nakahanda na po ang pagpapahingahan ninyo at ang sisilungan ng inyong mga kamelyo.”

32. Sumama nga ang alipin. Pagdating sa bahay, ibinabâ ni Laban ang karga ng mga kamelyo at pinakain ang mga hayop. Ang alipin nama'y binigyan niya ng tubig upang maghugas ng paa pati ang mga kasama nito.