Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 23:4-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. “Ako'y isang dayuhan at nakikitira lamang sa inyong lupain. Kung maaari, pagbilhan ninyo ako ng lupang mapaglilibingan sa aking asawa.”

5. Sumagot ang mga Heteo,

6. “Kinikilala ka naming isang dakilang pinuno; pumili ka na ng lugar na gusto mo para paglibingan sa iyong asawa. Ikalulugod namin na ibigay sa inyo ang bahagi ng inyong mapipili.”

7. Bilang pasasalamat, yumuko si Abraham sa harapan ng mga tao

8. at sinabi niya, “Kung talagang hindi kayo tutol na dito ko ilibing ang aking asawa, tulungan ninyo akong makiusap kay Efron na anak ni Zohar.

9. Nais kong saksihan ninyo ang pagbili ko sa yungib na nasa tabi ng kanyang lupain sa Macpela, upang ito'y gawing libingan. Babayaran ko siya sa hustong halaga.”

10. Nagkataong si Efron ay kasama ng nagkakatipong mga Heteo sa may pintuan ng lunsod. Kaya, sinabi niya kay Abraham na naririnig ng lahat,

11. “Hindi lamang ang yungib, kundi pati ang lupang kinalalagyan nito ay ibinibigay ko na rin sa inyo upang paglibingan sa inyong asawa. Saksi ko ang lahat ng naririto.”