Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 22:14-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.”

15. Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh,

16. “Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak,

17. pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway.

18. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.”

19. Binalikan ni Abraham ang kanyang mga alipin, at sama-sama silang umuwi sa Beer-seba.

20. Hindi nagtagal, nabalitaan ni Abraham na si Milca, ang asawa ng kanyang kapatid na si Nahor, ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki.

21. Ang panganay ay si Hus, sumunod si Buz at pagkatapos ay si Kemuel na ama ni Aram.

22. Ang iba pang naging anak ni Nahor kay Milca, ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Bethuel.

23. Si Bethuel ang ama ni Rebeca. Ito ang walong anak ni Nahor kay Milca.

24. Kay Reuma na asawang-lingkod ni Nahor, naging anak naman niya sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.