Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 21:20-34 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso.

21. Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.

22. Nang panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos.

23. Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”

24. “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.

25. Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari.

26. Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?”

27. Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka.

28. Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan.

29. “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.

30. Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.”

31. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba, sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.

32. Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo.

33. Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan.

34. Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.