Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 2:10-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga.

11. Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila.

12. Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise.

13. Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.

14. Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.

15. Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan.

16. Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan,

17. maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”

18. Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.”