Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 19:11-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Pagkatapos, binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.

12. Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito,

13. sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”

14. Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.

15. Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.”

16. Nag-aatubili pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod.

17. Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”

18. Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo.

19. Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy.

20. Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”

21. “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon.

22. Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.

23. Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar.

24. Saka pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra.