Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 18:8-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.

9. Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.

10. Sinabi ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin.

11. Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara.

12. Lihim na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?”

13. “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham.

14. “Mayroon bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”

15. Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.”Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”

16. Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma.

17. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin,

18. sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.

19. Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”

20. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan.

21. Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”

22. Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham.