Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 18:2-10 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. Walang anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha,

3. at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin.

4. Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa.

5. Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”

6. Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.”

7. Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin.

8. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.

9. Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.

10. Sinabi ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin.