Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 18:14-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. “Mayroon bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”

15. Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.”Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”

16. Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma.

17. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin,

18. sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.

19. Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”

20. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan.

21. Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”

22. Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham.

23. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama?