Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 17:20-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi.

21. Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.”

22. Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.

23. Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili.

24. Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taon na nang tuliin,

25. si Ismael naman ay labingtatlo.

26. Tinuli sila sa parehong araw,

27. at noon ding araw na iyon tinuli ang kanyang mga alipin.