Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 1:3-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga.

4. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim.

5. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw.

6. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!”

7. At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba.

8. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw.

9. Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito.

10. Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan.

11. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga.” At nangyari ito.

12. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan.

13. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikatlong araw.

14. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan.

15. Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari.