Magandang Balita Biblia Revisi

Genesis 1:14-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan.

15. Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari.

16. Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin.

17. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig,

18. tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan.

19. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaapat na araw.

20. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.”

21. Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan.

22. Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.”

23. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalimang araw.

24. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari.

25. Ginawa nga niya ang lahat ng ito, at nasiyahan siya nang ito'y kanyang mamasdan.

26. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.”

27. Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae,