Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 7:8-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan.

9. Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa.

10. “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan.

11. Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan.

12. Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos.

13. Ang mga ipinagbili ay di na maisasauli sa nagbenta kahit sila mabuhay; wala nang saulian dahil sa kaguluhan. Sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos at dahil sa kanilang kasamaan, walang matitirang buháy.

14. “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot.