Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 7:14-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot.

15. Nasa labas ng bayan ang digmaan, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa digmaan. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom.

16. Kung may makatakas man sa bundok, sila'y matatagpuan sa mga bundok, na parang mga kalapating lumisan sa mga libis; sila'y nangangatog sa takot dahil sa kanilang kasamaan.

17. Lahat ng kamay ay nanghihina at bawat tuhod ay nangangatog.

18. Bawat isa'y nakabalot ng sako, pinaghaharian ng matinding takot. Ang kanilang mga ulo'y naahitan, nakatungo dahil sa laki ng kahihiyan.

19. Ipinagtatapon na sa lupa ang kanilang pilak. Ang mga ginto'y wala nang halaga. Ang pilak at ginto nila'y walang maitulong sa kanila sa araw ng poot ni Yahweh. Hindi mapawi ng mga ito ang kanilang gutom, hindi nila ito makain. Ibinagsak sila ng sariling kasamaan.

20. Ang naggagandahan nilang hiyas na ginamit sa kapalaluan at ginawang diyus-diyosan at iba pang kasuklam-suklam na mga bagay ay ginawa kong walang kabuluhan.

21. Ang pilak at ginto nila'y pababayaan kong nakawin ng ibang tao at ipasasamsam sa mga taong walang Diyos, pati itinuturing nilang sagrado upang ipasalaula sa mga ito.

22. Sila'y tatalikuran ko. Pababayaan kong salaulain pati ang aking Templo. Papasukin ito ng mga magnanakaw, sasalaulain, at gagawing isang dakong mapanglaw.

23. “Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito'y pinaghaharian ng karahasan.

24. Ang mga tirahan nila'y ipasasamsam ko sa pinakamasasamang bayan. Wawakasan ko na ang kanilang pagpapalalo at hahayaan kong masalaula ang kanilang banal na dako.

25. Darating sa kanila ang kaguluhan. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit hindi nila ito makikita.

26. Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakakapangilabot na balita. Kaya't sasangguni sila sa propeta ngunit wala itong maipapahayag sa kanila. Hihingi sila ng payo sa mga pari ngunit wala itong maisasagot sa kanila. Pati ang matatanda'y walang masasabi sa kanila.

27. Mananaghoy ang hari, sasakmalin ng takot ang mga pinuno at manginginig sa takot ang mga karaniwang tao. Gagawin ko sa kanila ang nararapat sa kanilang gawa at hahatulan sila ayon sa kanilang pamumuhay. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”