Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 7:1-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi sa akin ni Yahweh,

2. “Sabihin mo sa bayang Israel: Dumating na ang wakas! Dumating na ang wakas sa apat na sulok ng daigdig.

3. Dumating na ngayon ang inyong katapusan. Ibubuhos ko na sa inyo ang aking matinding poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan.

4. Wala akong patatawarin isa man. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

5. Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi na magtatagal at sunod-sunod na kasawian ang aabot sa inyo.

6. Dumating na ang wakas! Ito na ang inyong katapusan.

7. Dumating na ang inyong katapusan, mga mamamayan ng lupain. Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng kaguluhan. Tapos na ang masasayang araw sa tuktok ng bundok.

8. Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan.

9. Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa.

10. “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan.

11. Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan.

12. Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos.