Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 47:9-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay.

10. Pupuntahan ito ng mga mangingisda. Ang En-gedi hanggang En-eglain ay magiging lugar ng pangisdaan sapagkat iba't ibang uri ang isda rito, tulad ng nasa Dagat Mediteraneo.

11. Ngunit ang mga latian ay mananatiling maalat para may makunan ng asin.

12. Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga sapagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”

13. Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ito ang gagawing paghahati ng lupain para sa labindalawang lipi ng Israel; dalawang bahagi ang mauuwi sa lipi ni Jose.

14. Pare-pareho ang gagawing hati. Ang lupaing ito ang aking ipinangako sa inyong mga magulang upang maging inyo.

15. “Ito ang hangganan ng buong lupain, sa hilaga; ang Dagat Mediteraneo, tuloy ng Hetlon, sa may pagpasok ng Hamat at tuloy ng Sedad,

16. Berota, Sibraim na nasa may hangganan ng Damasco at Hamat, hanggang sa Hazerhatico, sa hangganan ng Hawan.

17. Samakatuwid, ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat Mediteraneo hanggang Hazar-enon, sa gawing hilaga ng Damasco.

18. “Sa silangan: mula sa Hazar-enon, pagitan ng Damasco at Hauran, sa baybayin ng Jordan, pagitan ng Gilead at Israel, sa dagat sa gawing silangan hanggang Tamar.

19. “Sa timog: mula sa Tamar hanggang sa tubigan ng Meriba-kades, binaybay ang Batis ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo.