Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 46:13-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin.

14. Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh.

15. Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.”

16. Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak.

17. Ngunit kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito.

18. Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.”

19. Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran.

20. Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.”