Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 45:7-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Sa pinuno ng Israel, ang iuukol ay ang karatig ng bahaging itinangi kay Yahweh. Ang nasa gawing kanluran ay sagad sa Dagat Mediteraneo, at ang sa gawing silangan ay abot sa ilog. Ito ay magkakasinlaki ng kaparte ng bawat lipi.

8. Ito ay para sa kanila at nang hindi na nila apihin ang iba pang lipi ng Israel.

9. Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Mga pinuno ng Israel, tigilan na ninyo ang karahasan at pang-aapi sa aking bayan. Sa halip, pairalin ninyo ang katarungan at ang katuwiran. Tigilan na ninyo ang pangangamkam sa lupain ng aking bayan.

10. “Ang inyong timbangan, sukatan ng harina, at kiluhan ay kailangang maaayos, walang daya, at husto sa sukat.

11. Ang panukat na ginagamit sa mga harina at ang panukat na ginagamit sa langis ay kailangang pareho ang sukat, tig-ikasampung bahagi ng isang malaking sisidlan; ang malaking sisidlan naman ay ang pamantayan ng sukat.

12. Ang takalang siklo ay katumbas ng labindalawang gramo. Ang inyong mina ay katumbas ng animnapung siklo.

13. “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada,

14. 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.)

15. Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh.

16. “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel.

17. Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.”

18. Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo.

19. Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob.