Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 44:4-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Dinala ako ng lalaki sa may pintuan sa gawing hilaga, sa may harap ng templo, at nakita kong ito'y nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ako'y sumubsob sa lupa.

5. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo at tandaang mabuti itong mga tuntuning sasabihin ko sa iyo tungkol sa templo ni Yahweh. Tandaan mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok dito at ang hindi.

6. Sabihin mo sa sambahayang yaon na matigas ang ulo, sa sambahayan ni Israel: Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Diyos: Sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang kasuklam-suklam ninyong gawain.

7. Ang mga dayuhan, mga taong may maruruming puso at isipan ay pinahihintulutan ninyong pumasok sa aking templo; sa gayo'y nasasalaula ito. Nangyayari ito sa inyong paghahandog sa akin ng pagkain, taba at dugo. Sinira ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong kasuklam-suklam na gawain.

8. Sa halip na kayo ang mangalaga sa mga bagay na itinalaga sa akin, ipinaubaya ninyo sa ibang tao.

9. “Mula ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo na walang taga-ibang bayang may maruming puso at hindi tuli ang maaaring pumasok sa aking templo, kahit na ang mga ito'y kasamang namamahay ng mga Israelita.

10. Ang mga Levita na tumalikod sa akin at nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ay paparusahan ko.

11. Gayunman, sila pa rin ang maglilingkod sa aking templo at magbabantay sa mga pintuan nito. Sila pa rin ang gagawa ng mga dapat gawin sa loob ng templo. Sila rin ang magpapatay at maghahandog ng mga haing susunugin ng mga mamamayan, at maglilingkod sa akin para sa mga tao.

12. Ang mga paring ito ay naglingkod sa mga diyus-diyosan, anupa't naging dahilan ng kasamaan ng sambahayan ng Israel, kaya naman isinusumpa kong sila'y aking paparusahan.

13. Hindi sila makakalapit sa akin, ni makakapaglingkod bilang mga pari. Hindi rin sila maaaring lumapit sa mga dakong itinalaga sa akin. Sa gayon, malalagay sila sa kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain.

14. Gagawin ko na lamang silang katulong sa ibang gawain sa loob ng templo.”

15. “Ang mga paring Levita lamang na mula sa angkan ni Zadok ang maaaring lumapit sa akin at maglingkod nang tuwiran, sapagkat sila ang patuloy na nangalaga sa aking templo nang talikuran ako ng Israel. Kaya naman, sila lamang ang maaaring maghandog sa akin ng pagkain, taba at dugo,” sabi ni Yahweh.

16. “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos.

17. Telang lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito.

18. Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan.