Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 44:16-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos.

17. Telang lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito.

18. Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan.

19. Bago sila humarap sa mga tao sa patyo sa labas, huhubarin muna nila ang kasuotan sa paglilingkod sa Diyos. Itatago ito sa sagradong silid, saka magbibihis ng iba upang ang kabanalan ng kasuotang iyon ay hindi makapinsala sa mga mamamayan.

20. Huwag silang magpapakalbo ngunit huwag namang gaanong magpapahaba ng buhok; ito ay kanilang gugupitin sa katamtamang haba.

21. Huwag silang iinom ng alak kung sila ay papasok sa patyo sa loob.

22. Huwag silang mag-aasawa ng babaing pinalayas at hiniwalayan ng asawa, ni sa balo liban na lamang kung balo ng isa ring pari. Ang kukunin nilang asawa ay isang Israelitang hindi pa nasisipingan o kaya'y balo ng kapwa nila pari.

23. Ituturo nila sa mga tao kung ano ang pagkakaiba ng itinalaga kay Yahweh at ng hindi. Ituturo rin nila kung paano ang pagkilala sa malinis at sa marumi ayon sa tuntunin.

24. Kung may hidwaan ang mga mamamayan, sila ang hahatol ayon sa kanilang kaalaman sa usapin. Isasagawa nila sa takdang panahon ang lahat ng aking mga tuntunin at Kautusan. Patuloy rin nilang susundin ang mga tuntunin ukol sa Araw ng Pamamahinga.

25. Huwag silang lalapit sa kaninumang bangkay liban sa ama, ina, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga, upang hindi sila ituring na marumi ayon sa Kautusan.

26. Pagkatapos niyang isagawa ang tuntunin ng paglilinis makaraang marumihan siya ng bangkay, bibilang pa siya ng pitong araw bago ibilang na malinis ayon sa Kautusan.

27. At pagpasok niya sa patyo sa loob upang maglingkod sa Banal na Dako, maghahandog siya ng kanyang handog para siya luminis at makapaglingkod muli sa templo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.

28. “Ang mga pari ay hindi kasama sa partihan sa lupain; ako mismo ang kanilang pinakamana. Hindi sila bibigyan ng anumang ari-arian sa Israel, ako ang kanilang pinakabahagi.