Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 41:8-24 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Nakita kong may balkonaheng dalawa't kalahating metro sa paligid ng templo. Tatlong metro ang taas nito mula sa lupa at kapantay ng pundasyon ng mga silid sa gilid.

9-10. Ang kapal ng pader ng mga silid na ito ay dalawa't kalahating metro. Sa paligid ng templo ay may bahaging bukás sa pagitan ng balkonahe at ng silid ng mga pari. Ang bakanteng lugar ay may sukat na sampung metro.

11. May isang pinto papunta sa lugar ng mga silid sa gawing hilaga at isa sa timog; ito'y palaging bukás. Ang luwang ng asutea sa palibot ng templo ay dalawa't kalahating metro.

12. Sa dulo sa gawing kanluran ay may isang gusali na apatnapu't limang metro ang haba at tatlumpu't limang metro naman ang luwang; dalawa't kalahating metro ang kapal ng pader nito.

13. Sinukat ng lalaki ang labas ng templo. Ang haba nito ay limampung metro. Mula sa likod ng templo hanggang sa gusali sa kanluran ay limampung metro rin.

14. Ang pagitan mula sa harap ng templo, pati ng patyo ay limampung metro rin.

15. Sinukat din niya ang haba ng gusali. Ito'y limampung metro pati ang mga silid sa magkabila.Ang mga silid na pasukan sa templo, ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bulwagan sa gawing labas ay

16. nababalot ng tabla, mula sa sahig hanggang bintana.

17-18. Ang loob naman ng templo ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:

19. isa ay mukha ng tao, mukha naman ng leon ang isa. Ang mga ito'y magkatalikod at parehong nakatingin sa puno ng palmera. Ganito ang larawang nakaukit sa lahat ng dingding ng templo.

20. Kasintaas ng pinto ang mga tablang may nakaukit na larawan ng kerubin at puno ng palmera.

21. Ang mga hamba ng pinto ng Dakong Banal ay parisukat. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan ay may parang

22. altar na kahoy. Ang taas nito'y isa't kalahating metro, isang metro naman ang luwang. Kahoy ang mga paa nito, gayon din ang patungan at ang dingding. Sinabi sa akin ng lalaki, “Iyan ang mesa sa harapan ni Yahweh.”

23. Sa magkabilang dulo ng daanan papunta sa Dakong Banal ay may pinto, gayon din ang papunta sa Dakong Kabanal-banalan.

24. Ang mga pinto ay tigalawang paypay; bawat paypay ay may tigalawang bisagra.