Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 40:10-28 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Pare-pareho ang sukat ng mga silid na ito, at magkakasingkapal ang mga pader sa pagitan.

11. Sinukat din niya ang pasukan papuntang tarangkahan. Ang kabuuang luwang nito'y anim at kalahating metro at limang metro naman ang tarangkahan.

12. Sa harap ng mga silid ng bantay-pinto ay may pader na kalahating metro ang taas, gayon din ang kapal. Ang mga silid ay kuwadrado: tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang.

13. Pagkatapos, sinukat niya mula sa gilid ng unang silid hanggang sa huling silid. Ito'y may labindalawa't kalahating metro.

14. Sinukat din niya ang bulwagan sa pasukan at ito'y may sampung metro.

15. Ang kabuuang haba ng daanan mula sa tarangkahan hanggang sa huling silid ay dalawampu't limang metro.

16. Ang mga silid ay may bintana upang makita ang labas at mayroon din sa mga pader sa pagitan ng mga silid. Sa mga pader naman sa loob ng silid ay may dibuhong puno ng palmera.

17. Dinala niya ako sa patyo sa labas. Doon ay may tatlumpung silid na nakadikit sa pader. Sa harap ng mga silid na ito ay may bahaging nalalatagan ng bato

18. na abot sa gusali sa pasukan. Ito ay mababa kaysa patyo sa loob.

19. May mas mataas na daanan patungo sa patyo sa loob. Sinukat noong tao ang pagitan ng dalawang daanan at umabot ng limampung metro.

20. Pagkaraan, sinukat niya ang daanan sa gawing hilaga na papunta rin sa patyo sa labas.

21. Ang tigatlong silid ng mga bantay-pinto, ang mga pader sa pagitan at ang bulwagan ay kasinlaki rin ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro ang luwang.

22. Ang bulwagan, mga bintana, at dibuhong puno ng palma ay katulad nga ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Pito ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo.

23. Sa tapat ng tarangkahang ito ay may tarangkahan ding papasok sa patyo sa loob, tulad ng sa gawing silangan. Sinukat niya ang pagitan ng tarangkahan sa hilaga at ng tarangkahan sa timog at ito'y umabot ng limampung metro.

24. Dinala niya ako sa gawing timog at doo'y mayroon ding tarangkahan. Sinukat niya ito. Ito'y kasukat din ng ibang tarangkahan.

25. May mga bintana rin ito sa paligid tulad ng ibang tarangkahan. Ang haba ng daanan nito ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang.

26. Pito rin ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. May tig-isang dibuho ng puno ng palmera ang pader ng pasilyo.

27. Mayroon din itong daanan papunta sa patyo sa loob. Ang haba nito ay limampung metro.

28. Ako'y ipinasok niya sa patyo sa loob. Sa tarangkahan sa gawing timog kami nagdaan. Sinukat niya ito at kasukat din ng iba.