Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 39:14-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain.

15. Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama.

16. (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.”

17. Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo.

18. Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka.

19. Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo.

20. Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

21. Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya.

22. Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.

23. At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin.

24. Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”

25. Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan.

26. Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila.

27. At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal.