Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 38:15-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga.

16. Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal.

17. “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon.

18. Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot.

19. At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel.

20. Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa.

21. Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan.

22. Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre.

23. Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.”