Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 33:9-26 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

10. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay.

11. Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan.

12. Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya.

13. Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa.

14. Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay,

15. tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay.

16. Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.

17. “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama.

18. Mamamatay ang matuwid na magpakasama

19. ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay.

20. Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”

21. Nang ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.”

22. Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita.

23. Sinabi sa akin ni Yahweh,

24. “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon.

25. Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito?

26. Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain?