Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 33:25-33 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

25. Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito?

26. Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain?

27. Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan.

28. Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon.

29. Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.”

30. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’

31. Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila.

32. Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig.

33. Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.”