Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 33:12-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya.

13. Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa.

14. Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay,

15. tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay.

16. Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.

17. “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama.

18. Mamamatay ang matuwid na magpakasama

19. ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay.

20. Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”

21. Nang ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.”