Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 32:8-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.

9. “Maraming bansa ang magúgulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala.

10. Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.”

11. Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia.

12. Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo.

13. Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito.

14. Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa.

15. Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh.

16. Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

17. Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh,

18. “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na.

19. Sabihin mo sa kanila,“Hindi kayo nakahihigit sa iba.Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman,kasama ng mga makasalanan.