Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 31:10-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

10. Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya.

11. Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya.

12. Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya.

13. Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang.

14. Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.”

15. Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon.

16. Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon.

17. Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.

18. “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”