Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 3:18-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

18. Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan.

19. Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan.

20. Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.

21. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.”

22. Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.”

23. Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa.

24. Ngunit nilukuban ako ng Espiritu, itinindig niya ako at sinabi sa akin, “Umuwi ka at magkulong sa iyong bahay.

25. Doon ay gagapusin ka upang hindi ka makasama sa iyong mga kababayan.

26. Ididikit ko ang dila mo sa iyong ngalangala para hindi mo mapagsabihan ang mapaghimagsik mong mga kababayan.

27. At kung may gusto akong ipasabi sa iyo, muli kang makapagsasalita. Kung magkagayon, sasabihin mo sa kanila ang ipasasabi ko. Kung gusto nilang makinig sa iyo, makinig sila; kung ayaw nila, huwag; sapagkat sila'y tunay na mapaghimagsik na sambayanan.”