Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 3:1-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi pa sa akin, “Kainin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.”

2. Ngumanga ako upang kanin ang aklat.

3. Sinabi niya sa akin, “Kainin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Sa aking panlasa ito'y kasintamis ng pulot-pukyutan.

4. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo.

5. Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita.

6. Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo.

7. Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila.

8. Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila.

9. Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.”

10. Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko:

11. Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”

12. Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan.

13. At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol.

14. Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu.

15. At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita.

16. Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh,

17. “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala.