Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 29:6-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. “Sa gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel.

7. Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito.

8. Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop.

9. Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon.

10. Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.

11. Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira.

12. Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”

13. Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila.

14. Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian.

15. Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti.

16. Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”