Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 28:4-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

4. Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto.

5. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka.

6. Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili,

7. ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan.

8. Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat.

9. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan.

10. Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

11. Sinabi sa akin ni Yahweh:

12. “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan.

13. Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo.

14. Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang.

15. Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan.

16. Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang.

17. Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa.