Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 26:9-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal.

10. Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal.

11. Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi.

12. Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho.

13. Dahil diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira.

14. Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”