Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 23:5-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. “Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria,

6. mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo.

7. Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito.

8. Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa.

9. Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig.

10. At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya.

11. “Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid.

12. Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit.

13. At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid.