Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 23:33-44 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

33. Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan,sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo,ay saro ng pagkatakot at pagkawasak.

34. Iyong uubusin ang laman ng saro,pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.”

35. Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.”

36. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain.

37. Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan.

38. Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga.

39. Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak.

40. “Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas.

41. Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila.

42. Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona.

43. “Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya

44. sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan.