Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 23:20-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo.

21. Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib.

22. “Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako.

23. Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan.

24. Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila.

25. Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy.

26. Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas.

27. Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.”

28. Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo.

29. Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka.

30. Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan.

31. Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.”