Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 22:11-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama.

12. May nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan.

13. “Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay.

14. Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.

15. Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan.

16. Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

17. Sinabi sa akin ni Yahweh,

18. “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak.

19. Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem.

20. Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot.

21. Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw.