Magandang Balita Biblia Revisi

Ezekiel 21:7-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Kapag itinanong nila kung bakit ka nananaghoy, sabihin mong dahil sa balitang iyong narinig. Kapag ito'y nagkatotoo, paghaharian ng takot ang lahat ng tao, mangangalay ang lahat ng kamay, panghihinaan sila ng loob, at mangangalog ang lahat ng tuhod. Dumating na ang panahon at ngayon na.”

8. Sinabi pa sa akin ni Yahweh,

9. “Sabihin mo sa kanila:Ang tabak ay inihasa na at pinakintab.

10. Pinatalim ito upang ipamatay nang walang puknat.Pinakintab upang kumislap na parang kidlat.Walang makakahadlang dito,sapagkat di ninyo dininig ang payo.

11. Ang tabak nga ay pinakintab upang gamitin.Ito'y pinatalim para ibigay sa kamay ng berdugo.

12. Managhoy ka, anak ng tao.Ang tabak na ito'y gagamitin sa aking bayanat sa kanyang mga pinuno.Sila ay papataying kasama ng buong bayan.Kaya, tumangis ka.

13. Susubukin ko ang aking bayan,at kapag di sila nagsisi,ang lahat ng ito'y mangyayari sa kanila.

14. “Magpahayag ka sa kanila. Pumalakpak ka at paulit-ulit na iwasiwas ang tabak. Ang tabak na ito'y pumapatay, naghahasik ng sindak, at pumupuksa.

15. Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa.

16. Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila.

17. Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

18. Sinabi pa sa akin ni Yahweh,

19. “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan;

20. ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem.

21. Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog.

22. Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan.